Mapulo
Announcements
Punong-Barangay
Hon. Melecio I. Comia Jr.
Barangay Captain
Barangay History
KASAYSAYAN NG PINAGMULAN NG KATAWAGANG MAPULO
Ano mang kasaysayan ng isang Barangay, bayan, o alinmang pamayanan ay maaaring iwangis sa kasaysayan nang isang tao, na bago naging tanyag o nakilala sa ano pa mang larangan ay naging bahagi muna ng iba’t-ibang pangyayari o kaganapan ng mga karanasang umiiral sa iba’t-ibang antas ng panahong nagdaan na nagsisilbing taga lilok o taga hubog ng kanyang katanyagan.
Taong 1800, siyam napu’t walong taon (98) bago tuluyang nagwakas ang pamamahala ng mga Kastila sa Pilipinas ay hindi na bago sa mga katutubo(native) sampu ng mga Paring Kastila at mga Tagalog ang lugar ng Mapulo, bagama’t wala pang tiyak na pangalan o katawagan ang lugar na ito.
Itinuturing na may malaking ambag ang lugar na ito sa naging katatagan ng Pamahalaang Kastila sa ating bansa, sa loob nang tatlong daan at tatlumpu’t tatlong taon ( 333) (1565 – 1989).
Itinuturing na may malaking ambag sa larangan ng Arkitektura, sapagka’t kung saan ay isa ito sa kinatuklasan ng mga dayuhan ng isang mataas na uri ng Likas Yamang natatanging sangkap upang maitatag o maitayo ang mga gusali, simbahan, tulay o dike sa ating lalawigan nang panahong yaon.
Isang makalumang “Teknolohiya” ng mga Kastila sa paggawa ng mga pandikit o sticker para sa malalaking bloke ng mga bato o adobe upang maitayo ng matibay ang mga gusali, simbahan, tulay o dike na nananatili at umiiral sa lugar na ito.
Ang paggawa ng apog o lime ay isa sa naging pangunahing hanapbuhay nang panahong iyon ng ilang mga taong nagmula pa sa bayan ng Rosario at Taysan na noon ay barangay pa rin lamang. Alalahaning ang apog o lime ay isang mababang uri ng semento sa kakulangan ng sapat na mga sangkap nito, subalit kinailangang gamitin ng mga Kastila para sa “arkitektura.
Sa patuloy na paglipas ng panahon ay naging kapansin-pansin sa sinumang nakararating sa lugar na ito ang malaking Pulo o Burol na kung saan ay pinagmulan ng lime o apog, ang kakaibang lagkit ng lupang naririto sa panahon ng tag-ulan.
Damang-dama ang hirap at mabigat na pagod nang mga kalabaw na humihila sa mga karitong naglalaman ng lime sa tuwing nilalandas ang bawat lagusang nasa dalisdis ng Burol o Pulong ito. Ang kakaibang lagkit ng pula at lupang mangitim-ngitim ay pumupulupot sa mga gulong na kahoy ng bawat kariton. Samantala’y sa patuloy na pagyayao’t paglalandas ng mga biyahero ng lime patungong bayan ng Lipa at Padre Garcia at sa ilan pang malalayong pook ay hindi na sila nakadaraan ng may kakaiba pang lagkit na lubhang nakabibigat o nakapapagod sa mga kalabaw.
Patuloy na lumipas ang panahon, subalit kasiya-siyang isiping sagana pa sa iba’t-ibang Likas na Yaman ang paligid ng Pulong ito, tulad ng mga magagandang ibon, usa, baboy ramo, malalaking punong kahoy at iba’t-ibang halamang gubat. Naging pangunahing libangan ng ilang mga taong naganyak na manirahan sa paligid ng pulong ito ay ang pangangaso o paghuli ng mga Buhay-Ilang bilang karagdagang pagkain kaalinsabay ang patuloy na paggawa ng Lime upang magsilbing hanapbuhay.
Subalit sa mga biyahero dito, ay nagiging bukang bibig ang malalaking Pulo ng Pulong Pulupot na lalo pa sa panahon ng tag-ulan. Mapulupot na putik ang mga gilong ng kariton bunga ng kakaibang lagkit ng lupa.
Patuloy na lumipas ang dekada ng panahon at nagiging panirahan ang paligid ng pulong ito, ng Pulong Pulupot o sa panahon ng tag-ulan ay Mapulupot ang malalagkit na putik sa mga paa at mga gulong ng karitong nagyayaot dito.
Kung kaya’t naging bukang bibig ng mga taong nakararating sa lugar na ito gayunding sa Sali’t saling balita sa malayo at malapit ukol sa pulong Mapulupot sampu narin ng kakaibang yamang taglay nito na naging palasak sa patuloy na paglipas ng maraming panahon.
Kayat marahil ay hindi katakatakang ang pulong ito ng Mapulupot ay naging bahagi nang buhay,, panahon at hanapbuhay ng mga taong sangkot sa kasaysayan ng Mapulo nang panahong iyon, na naging patotoo sa kasalukuyan na yaon ang dahilan at pinagmulan ng katawagan at pangalang “MAPULO”.